Magtanim ay ‘Di Biro

Sa kapal ng libro sa Home Economics, hindi nawawala doon ang mga lessons sa agriculture – mula sa backyard planting hanggang sa basics ng bigtime pagsasaka. Kaya lang, kung hindi dini-discuss sa pamamagitan lang ng tisa’t pisara, nilalaktawan. Kailan nakapagpatubo ng palay sa blackboard?

Naalala kong noong Grade 2 ako, pinagtanim kami ng monggo. Doon ko nalamang ang toge ay galing pala sa monggong nag-germinate at feeling ko naenjoy ko ang pagtatanim. Nariyang bumili pa ako ng kung anu-anong buto noong may dumating sa school na nagbebenta ng mga buto ng mga halaman. Naaalala kong bumili ako ng buto ng kamatis at kangkong. Tinawanan ako ng nanay at tatay ko nang nakita nilang sinusubukan kong itanim ang mga butong binili ko. Hindi ko naman sila napatubo. Pero successful ako sa monggo. Nariyang maging totoong halaman na talaga siya at nagbunga. Isang araw, wala na yung monggo. Hindi naman siguro inulam. Baka nag-conspire ang mga tao sa bahay na alisin ang monggo para hindi ako masyadong ma-inspire magtanim – at magsaka.

Hindi ko naman pangarap maging magsasaka. Pero, parang ang saya kasi na kapag may tinanim, may tumutubo. Ang saya. Hindi ko lang alam kung ganito rin ang pakiramdam ng mga magsasaka sa Pilipinas.

Maliban sa paggamit ng mga pulitiko sa mga pondong dapat sana ay nakalaan para sa mga proyektong pang-agrikultura, aminin nating napapabagal ng kawalan ng edukasyon ng mga magsasaka ang paglago ng kanilang sariling sektor.

“May oras pa ba kaming mag-aral, edi wala na kaming oras magtanim?”

Walang may gustong pumusta ng oras nila. Lalo na’t wala rin naman itong kasiguraduhan. Pero, wala namang sigurado sa agrikultura. Lahat ay nakaluhod sa dambana ng klima’t panahon. Ang kagandahan sa mga may pormal na edukasyon patungkol sa agrikultura, ang kanilang pagluhod ay nakaakmang pagtayo – dahil alam nilang ang pagsasaka ay hindi nagtatapos sa pag-ani. Alam ng mga aral sa agrikultura na ang buong proseso ay higit pa sa pagkain. Alam ng mga aral na ang buong sektor ng agrikultura ay isang malaking chessboard ng kapitalismo – at marunong silang maglaro. Silang mga aral ang naglalaro – hindi sila ang pain.

Mahirap hikayatin ang mga Pilipino na tahakin ang linya ng agrikultura lalo na’t sanay tayong api ang mga magsasaka sa mga teledrama at alam nating ang perang dapat ay pambili ng fertilizer ay nagiging pambili ng moisturizer ng mga pulitikong even-the-pigs-are-nicer. (Ipilit.) Pero kahit hindi ako galing ng IRRI, at hindi ako nakapagpatubo ng kamatis at kangkong noong Grade 2 ako, alam kong ang sektor ng agrikultura, higit ang mga magsasaka, ay may magandang kalalagyan sa Pilipinas. Oo. Yayaman.

Hindi ko alam ang eksaktong proseso. Pero, sana, makaisip ang gobyerno ng paraan kung paano palalakasin ang industriyang tunay na nagbibigay-buhay. Seryosohin ang pananaliksik. Magsagawa ng vocational training para sa mga magsasaka. Ilaan ng tama ang pondo. Itaas ang minimum wage.
Maraming pasikut-sikot. Aha. Ituro, habang bata pa lang, ang kahalagahan ng agrikultura. Huwag laktawan sa libro. Ituro ang mismong proseso mula sa pagbili ng binhi hanggang sa pag-export mula sa sariling agricultural company.

Baka sa ganitong paraan, ‘makapagpatubo ng palay sa blackboard.’