Malakanyang Mo Kaya?

Ang logo ng mga tanggapan ng pangulo for proposal


Anong ibig sabihin ni Duterte na ang Malacañang ay sagisag ng colonialism, samantalang ang pinanggalingan ng Malacañang ay “may lakan diyan”?
Baka kasi nasanay tayo na may eñe? Ang pangunahing tanong ko dito ay kung matatawag pa rin ba nating Pilipino ang ating mga sarili kung wala ang mga kulturang nahango natin mula sa mga Kastila at mga Amerikano? Kahit wala pang mga mananakop, kumakalat naman na sa ating kapuluan at sa iba pang bansang ASEAN ang mga hiram na salita mula sa karatig sa Asya, gaya ng Tsina, India, at Arabya.

Marahil para kay DU30, nagpapaalala sa ating pagiging mga alipin ang titik ñ. Kung gayon, baka umubrang Malakanyang na lang ang itawag sa lahat ng tanggapan ng Pangulo, saan man sa Pilipinas – sa Baguio, sa Maynila, sa Cebu, at sa Davao. Tanggalin din ang salitang “palasyo” para lalong mas mailapit ang tahanan at tanggapan ng pangulo sa mga tao.

Sa sulatin naman mula sa Malakanyang, may apat na teorya sa pinaghanguan ng pangalan ng palasyo. (Eh, kung sa Tahanang Pilipino na lang kasi kaya tumira ang Pangulo?)

1. Malakanyang bilang pook ng mga mangingisda

 Ayon sa Spanish historian na si Felipe de Govantes sa kanyang akda noong 1877, lugar ng mangingisda daw ang ibig sabihin ng Malacañan sa Kastila. (Pero pescador ang fisherman sa standard Spanish, kaya naman, baka hango ito sa iba pang wika sa Espanya.) Pati mga akda nina Jose Montero y Vidal (1895) at Manuel Artigas y Cuerva (1916) ay binanggit na lugar ng mangingisda daw ang malacañan. Sa akda naman ni Ileana Maramag noong 1972, nabanggit na hango raw ang katawagan sa malalim na Tagalog na salitang mamamalakaya o mangingisda. Puwede naman dahil nakatayo ito sa tabi ng dalampasig (riverbank) ng Ilog Pasig.


 2. Malakanyang bilang pook ng pagsamba

Sa liham ni Amang Rodriguez sa kawani ni Governor General Frank Murphy, sinabi niyang dalawa ang maaaring pinaghanguan ng Malakanyang: ang Tagalog na “ma lakan iyan” (place of many great ones), o ang Kastilang “mala caña” (evil cane/evil bamboo). Ang mga lakan ay ang mga nananahang kaluluwa o lamang-lupa sa mga kawayanan at kakahuyan ng lugar.


3. Malakanyang bilang tahanan ng “malaking iyan”
 Galing naman daw sa Pamilya Rocha (ang pamilya sa likod ng blockbuster na Heneral Luna) ang pangalan ng Malakanyang. Sa saliksik ni Ileana Maramag, ikinuwento ni Antonio Rocha na tuwing ang kanyang ninunong si Luis Rocha, ang nagpagawa ng aktuwal na Palasyo ng Malakanyang, ay nagsi-siyesta at magugulo ang mga dumadaan, pinapatahimik sila ng bantay ng mansyon at sinasabing “malaki iyan” (he is a big one). Baka sumama ang timpla ni Señor Rocha at mapamura.


4. Malakanyang bilang kanan ng Ilog Pasig
Kapag daw tiningnan mo sa mapa, ang palasyo ay nasa kanang bahagi ng Ilog Pasig. At ang “malakanan” daw ay “of the right” sa Ingles. Nakasanayan daw marahil na Malakanan ang tawag sa lugar na ito dahil ang naghahati sa Ilog Pasig ay ang maliit na pulo na kinalulugaran ng kasalukuyang Hospicio de San Jose. (So, may Makaliwa?) 

Marahil ay hindi na natin matutukoy ang totoong pinanggalingan ng Malakanyang. Pero ang maganda dito ay marunong tayong sumangguni sa kasaysayan sa pamamagitan ng panitikan para tulungan tayo sa kasulukuyan at kinabukasan.

Ano ba ng batayan ng pagkamakabayan? O ang salik ng national identity? Wika? Cultural dance? Mga pagiging akademiko ng mga drama? Pagpapaigting ng judicial system at police power? Pagkalat ng Jollibee at SM sa mundo?

Hindi man natin matukoy lahat, tiyak na ang Palasyo ng Malakanyang ay hindi lamang sagisag ng pangulo, ng pamahalaan, o ng mga nangasiwang banyaga, kundi sagisag ng ating bayan at mayamang kasaysayan.

 

Pinagkunan:

http://malacanang.gov.ph/about/malacanang/where-did-the-name-malacanan-come-from/